NLEX, handa na sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista bukas 

Handa na ang North Luzon Expressway (NLEX) sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista bukas.

Ayon kay NLEX traffic operations manager Robin Ignacio, kabilang sa ginawa nilang preparasyon ay ang repainting at pagsasa-ayos ng mga toll plaza, disinfection ng mga toll booth, customer service centers, company vehicles, project sites at iba pang pasilidad para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Aniya, bubuksan ang lahat ng toll booths at madadagdag sila ng portable collection booths para maiwasan ang mahabang pila ng mga sasakyan.


Hindi rin sila magde-deploy ng mga ambulant teller para ma-minimize ang personal contact sa mga motorista.

Mananatili naman ang mga quarantine checkpoint ng Philippine National Police (PNP) sa borders at entry points ng expressway.

Aabot sa 200,000 motorista ang inaasahang babiyahe sa NLEX kasunod ng pagpapaluwag ng quarantine restrictions sa Metro Manila na magsisimula na bukas.

Facebook Comments