Nagdesisyon ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) na magbukas ng cash lane transaction upang mabawasan ang napakahabang pila ng mga sasakyan na walang Radio Frequency Identification System (RFID) sa Bocaue Toll Plaza.
Sa abiso ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), ang kompanyang may hawak sa NLEX, bumigat ang trapiko sa Bocaue Exit mula pa kaninang umaga dahil sa haba ng pila ng mga sasakyang walang RFID.
Kahit nagdagdag umano sila ng mga cash lane transaction ay mabigat pa rin ang trapiko dahil mas marami ang mga sasakyang naghahabol na magpakabit ng stickers para sa electronic cash collection.
Matatandaang umapela ang San Miguel Corporation (SMC) sa Department of Transportation (DOTr) na palawigin pa ang pagpapatupad ng cashless transactions sa mga tollgate ng Expressway sa bansa dahil marami pa umanong sasakyan ang walang stickers.
Pero dahil wala pang tugon ang DOTr, mananatili munang may ilalaang emergency cash lane sa mga tollgate ng Expressway upang serbisyuhan ang mga motorista na wala pang-RFID.