Pupulungin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga opisyal ng North Luzon Expressway (NLEX) upang hingan ng paliwanag kaungay sa nangyaring matinding pagsisikip ng trapiko noong Miyerkules Santo.
Ayon kay Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo, tugon ito ni Romualdez sa mga natanggap niyang sumbong na hindi nababasa ang mga Radio Frequency Identification (RFID) ng mga sasakyan sa mga toll plaza na nagbunga ng matinding pagsisikip sa lagay ng trapiko.
Sabi ni Tulfo, isasabay na rin ni Romualdez sa pulong pati ang mga opisyal ng South Luzon Expressway o SLEX at Toll Regulatory officials.
Binanggit ni Tulfo na nais mabatid ni Romualdez kung may ginagawang hakbang o solusyon para sa hindi gumaganang RFID sa ilang toll gates.
Dagdag pa ni Tulfo, nagtataka si Speaker Romualdez kung bakit sa ibang bansa tulad ng Japan, Singapore at Europe ay awtomatikong tumataas ang boom barrier pagdaan ng sasakyan sa toll gate pero sa Pilipinas ay sablay dahil tila mumurahin o mababa ang kalidad ng RFID reader.