
Isasalang sa live fire test ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) Anti-Ship Missile ng Amerika sa Northern Luzon sa gitna ng Kamandag Exercise ng Philippine at US Marines.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Capt. JP Alcos, kabilang ang missile launch sa ika-siyam na Kamandag Exercise na sinimulan na ng magkaalyadong pwersa.
Bahagi ito ng isang maritime strike operation na may target na hindi pa isinasapubliko, gayundin ang eksaktong lokasyon ng missile test.
Nilinaw ni Alcos na hindi ito sagot o paghahanda laban sa anumang tensyon sa rehiyon, kundi bahagi lamang ng regular na kooperasyong militar sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Nasa mahigit 5,000 sundalo ang kalahok sa Kamandag exercise na tatagal hanggang Hunyo 6.
Bukod sa Amerika, makikilahok din dito ang mga tropa mula sa Japan Ground Self-Defense Force, Republic of Korea Marine Corps, at British Armed Forces. Nariyan din ang mga foreign observers mula sa France, Australia, Bahrain, Netherlands, Canada, Indonesia, New Zealand, at Thailand.









