Mas pinaigting pa ng National Meat Inspection Service o NMIS ang kanilang mga hakbang kasunod ng paglaganap ng African Swine Fever o ASF sa Batangas.
Ayon kay NMIS-NCR Regional Technical Director Dr. Jocelyn Salvador, makakatulong umano ito para maiwasang maipuslit papasok ng Metro Manila ang mga apektadong baboy.
Paliwanag pa ni Salvador, bukod sa accreditation at registration, puspusan na rin ang ginagawang “surveillance audit” sa mga planta o mga meat establishments.
Sa pamamagitan nito, mahigpit aniyang mababantayan ang mga slaughterhouse, cold storage facilities, meat cutting at distribution centers sa food safety.
Iniutos din ni Dr. Salvador na maging alerto ang quick response ng NMIS-NCR gayundin ang Plant Operation Standards and Monitoring Section at lahat ng meat inspection officers sa Metro Manila.
Bukod dito ay puspusan ding isasagawa ang information dissemination ng meat standards development and consumers protection section.