Sumentro sa pagdiriwang ng 49th Nutrition Month nitong July ang talakayan sa ikalawang episode ng programang “Nutrisyon mo, Sagot ko!” ng National Nutrition Council.
Ang Nutrition Month ay binuo noong 1974 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 491 ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang itaas ang kaalaman ng mga Pinoy sa nutrisyon.
Ngayong taon, inaprubahan ng NNC – Technical Committee ang tema sa Nutrition Month na “Healthy Diet Gawing Affordable For All” na layong i-promote ang food and nutrition security at tiyakin na ang lahat ng Pilipino ay makaka-access sa ligtas, mura at masustansyang pagkain.
Sa programa, sinabi ni Ms. Jovie Raval, Nutrition Information and Education Division Chief at Nutrition Officer-5 ng NNC na bilang hakbang ay inirekomenda nila sa Kongreso ang pagbuo ng mga batas kung paano mas magiging masustansya ang kinakain ng mga Pilipino.
Kabilang aniya rito ang pag-invest sa mga nutritional program para mabawasan ang mga taong nakakaranas ng malnutrisyon, ipaabot sa mga mamamayan kung paano sila magkakaroon ng wastong nutrisyon sa madiskarte pamamaraan at abot kayang halaga at ang pagbuo ng polisiya sa pagbubuwis ng junk foods at paggamit ng makukuhang pondo para rito sa mga programang pang-nutrisyon.
Una na rin isinusulong ng NNC katuwang ang Department of Health, World Health Organization at Food and Agricultural Organization ang safe, sustainable diet na hindi nakakasira sa iba pang kalikasan.
Patuloy rin na ipinapanawagan sa bawat Pilipino na siguraduhin ang tamang nutrisyon mula sa pagbubuntis hanggang sa pagsilang ng sanggol.