Manila, Philippines – Iginiit ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Ma. Sison na ang numero unong terorista talaga sa Pilipinas ay si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang pahayag ni Sison matapos malaman na kasama sila sa listahan ng gobyerno ng mga terorista sa bansa.
Sa kaniyang pahayag sa website ng National Democratic Front of the Philippines, tinawag ni Sison na “stupid” si Duterte at ang mga “minions” nito na nagpapanggap aniyang mga ignorante sa pagkapanalo niya sa mga legal cases upang maialis ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga terorista ng European Union.
Maliban sa pagiging “number 1 terrorist,” sinabi pa ni Sison na maging ang mga US intelligence agencies ay itinuturing na rin si Duterte bilang banta sa demokrasya at karapatang pantao.
Ang maling akusasyon aniya ni Duterte sa kanila ay bahagi lang ng plano ng Pangulo na “Wild Anti-Communist Witch Hunt,” at pamumuntirya sa mga kritiko upang maisakatuparan ang fascist dictatorship sa pamamagitan ng Martial Law.
Si Sison ay kasama sa 600 kataong hiniling ng Department of Justice sa Manila Regional Trial Court na ideklara bilang mga terorista.
Hiniling din ng doj sa nasabing petisyon na ideklarang terrorist organization ang CPP pati na ang New People’s Army (NPA).