No 2 Most Wanted sa Rehiyon Dos, Natimbog!

Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City, Cagayan – Natimbog ng pinagsamang
puwersa ng PNP Isabela at PNP Tarlac ang pangalawang most wanted
person sa Rehiyon
Dos.

Ipineresenta ng pamunuan ng PNP Region 2 sa pamamagitan nina PRO2 Regional
Director PCSupt Jose Mario M Espino, PSSupt Romeo T Mangwag ng Isabela PNP
at iba pang opisyal ng PNP Region 2 ang nahuling wanted na si Ronnie dela
Cruz, 54 anyos, may asawa, piggery helper at residente ng Barangay Union,
Gamu, Isabela.

Batay sa ibinahaging impormasyon ng PNP, natunton ang kinalalagyan ni
Ronnie dela Cruz sa Barangay Colubot, San Manuel, Tarlac noong Marso 19,
2018 at agad siyang inaresto bandang alas 11:00 ng umaga.


Hindi nanlaban ang suspek at malugod itong sumama sa PNP San Manuel, Tarlac
para sa dokumentasyon at kalaunan ay ibiniyahe siya papuntang Rehiyon Dos.

Si Ronnie dela Cruz, batay sa paglalahad ng PNP Isabela ay kasapi ng
nabuwag na Partisan Armed Armed Groups (PAGS) ni dating Gamu Mayor Fernando
Cumigad.

Nahaharap ito sa mga kasong murder, frustrated murder, robbery at
carnapping na nakabinbin sa RTC Branch 18 na nakabase sa Ilagan, Isabela.

Ang naturang PAGS ay responsible sa pagpatay sa tatlong pulis sa Gamu,
Isabela noong 2010.

Nang tanungin ng media si Ronnie dela Cruz tungkol sa kanyang pagkakadakip
ay kanyang sinabi na pagod na rin siyang nagatago sa kamay ng batas.

Sa kalatas namang ibinahagi ng PNP Region 2 ay kanila itong ipinahayag na
muling napatunayan na sadyang napakahaba ang kamay ng batas at wala ninuman
ang puwedeng makatakas mula rito.

Manuel, Tarlac, PNP Isabela, PRO2, PCSupt Jose Mario M Espino, PSSupt Romeo
T Mangwag, Fernando Cumigad, Barangay Union, Gamu, Isabela

Facebook Comments