No. 3 Most Wanted Person ng Makati Police, arestado habang kumukuha ng SAP

Nagtangka pang takbuhan ng isang tricycle driver na No. 3 Most Wanted Person ng Makati Police matapos itong arestuhin sa tapat mismo ng barangay hall ng Pembo habang kumukuha ito ng Social Amelioration Program o SAP.

Inihain ng mga pulis ang warrant of arrest sa kasong rape o panggagahasa, laban sa suspek na si Jerry Tejeros Dele Cruz, 24-anyos at residente ng Brgy. Pembo, lungsod ng Makati.

Ang nasabing warrant of arrest ay ibinaba ni Judge Rico Sebastian Liwanag, presiding judge ng RTC Branch 136, ng lungsod noon pang October 24, 2019 at walang kaukulang pyansa.


Ayon sa Makati Police, ginawa ang nasabing pagaresto laban sa suspek matapos makatanggap ng ulat ang Makati Philippine National Police (PNP) Station Intelligence Section tungkol sa kinaroroonan ng suspek.

Nakakulong na ang rape suspek sa Makati Police Station Custodial Facility upang harapin ang kaso na isinampa laban sa kanya.

Facebook Comments