Simula bukas, a-22 ng Pebrero, ipatutupad na ang “No Appointment, No Entry” sa muling pagbubukas ng National Library of the Philippines (NLP) sa Kalaw Street, Ermita, Maynila.
Ito’y bilang bahagi ng pag-iingat kontra COVID-19 at bilang pagsunod na rin sa tinatawag na ‘new normal operational procedure.
Ang mga nais magtungo sa National Library ay kinakailangang mag-book ng appointment isang araw bago ang takdang petsa ng pagpunta dito.
Maaari naman makita ang proseso ng online appointment sa social media pages ng National Library.
Matapos makumpirma ang appointment, bibigyan ng unique library user reservation code kasama ang seat number na dapat ipresenta bago pumasok ng NLP bukod pa sa pagsagot sa health declaration form.
Para maging maayos ang proseso, magpapatupad ng “first come, first serve basis” kung saan 94 lamang ang papayagang makapasok kada araw.
Bukas ang National Library mula alas- 9:00 ng umaga hanggang alas- 3:00 ng hapon kung saan mahigpit na ipatutupad ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, pagsuri ng temperature at physical distancing.