Pinasususpinde ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang ‘no beep card, no ride’ policy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Bunsod ito ng pag-arangkada kahapon ng ‘no Beep card, no ride’ policy sa EDSA carousel bus at iba pang public transportation kung saan ilang mga manggagawa ang hindi na nakapasok ng trabaho dahil eksakto lamang ang dalang pamasahe at inirereklamo rin ang mahal na singil sa kada Beep card.
Hiniling ni Brosas na ipatigil ang polisiyang ito dahil sa maanomalyang presyo ng Beep card na nasa P80 kada isa, P100 na load na may kinakailangang i-maintain na balanase na P65 at P5 na convenience fee sa kada paload sa mga third party service provider.
Bukod dito, ipinare-refund din ng kongresista ang ibinayad ng mga commuters na napilitan lamang sa cashless payment para makapasok sa trabaho.
Dagdag pa ng lady solon, ang gobyerno dapat ang namamahala sa aspeto ng ticketing sa transport systems at hindi ang mga pribadong kompanya upang matiyak na mabibigyan ng magandang serbisyo.
Ang Beep payment system ay ino-operate ng AF Payments Incorporated na joint venture ng Ayala Corporation at Metro Pacific Investments Corporation.
Iginiit ng kongresista na hindi dapat ginagawang sangkalan ang pandemya at health protocols para pigain at pagkakitaan ang mga kawawang commuter at mangaggawa.