Manila, Philippines – Pag-uusapan ngayon ng ilang mga miyembro ng Magnificent Seven kung ano ang magiging plano nila matapos na hindi nakatanggap ng alokasyon sa inaprubahang 2018 national budget para sa kanilang mga proyekto.
Ayon kay MAGDALO Partylist Representative Gary Alejano, kinumpirma nito na nakatakda silang mag-usap kasama ang ilan pang mga mambabatas upang magawan ng paraan ang kanilang problema.
Bagama’t hindi nabigyan, hindi ito didibdibin o di kaya ay iiyakan ni Alejano dahil kanila itong gagawan ng paraan upang mabigyan din ng sapat na katarungan ang mga mamamayan na pawang mga taxpayers.
Matatandaan na ipinatanggal naman ni speaker Pantaleon Alvarez ang nakaplano sanang proyekto ng mga mambabatas na nakasama sa general appropriations bill na nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives noong bicameral conference meeting.