Manila, Philippines – Tumangging magkomento si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Carlito Galvez Jr., hinggil sa posibilidad na siya ang magiging susunod na Presidential Adviser on the Peace Process.
Lumutang ang pangalan ni Galvez bilang posibleng kapalit ni dating Presidential Adviser on the Peace Process Jess Dureza matapos na tanggapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw nito sa puwesto.
Ang resignation ni Dureza ay matapos niyang akuin ang command responsibility sa pagkakasibak ng Pangulo sa isang undersecretary at assistant secretary sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) dahil sa korapsyon.
Una nang inihayag ni Galvez na kukunin siya ni Dureza bilang consultant sa OPAPP pagkatapos ng kanyang pagreretiro sa serbisyo sa darating na December 12.
Pero sa pagkakabakante ng posisyon ni Dureza sa OPAPP, hindi malinaw kung tuloy pa si Galvez bilang consultant sa OPAPP o kung may mas mataas na puwestong naghihintay sa kanya.