Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, kanyang sinabi na sa pamamagitan ng NCAP ay makikita ang mga drayber na lumabag sa traffic rules and regulations sa tulong ng mga ikinabit na camera.
Halimbawa na lamang ang pagsunod sa itinakdang speed limit na 60 km/h habang bumabaybay sa mga lansangan na sakop ng Lungsod ng Cauayan kahit pa sa mga oras na maluwag o walang traffic sa lansangan.
Lahat aniya ng mga makikitaan ng paglabag ay papasok sa system ng NCAP kung saan malalaman agad ang impormasyon tungkol sa may-ari ng sasakyan na lumabag sa traffic rules and regulations.
Nilinaw pa ng opisyal na ipinatutupad ang naturang programa upang maiwasan ang pangongotong ng mga kawani ng POSD gayundin sa mga pulis o mga law enforcers.
Bukod dito, ito ay para na rin maging “professional” ang mga law enforcers sa batas trapiko ganun din sa mga motorista.
Ayon pa kay POSD Chief Mallillin, hindi aniya ito pahirap sa mga motorista at mananakay ngayong pandemya dahil wala naman aniyang gagastusin kundi kailangan lamang sumunod dito.
Paalala naman nito sa lahat ng mga tsuper na papasok sa Lungsod ng Cauayan na sumunod sa ipinatutupad na NCAP upang makaiwas sa anumang paglabag.