Manila, Philippines – Masama ang kutob ng oposisyon sa pinalulutang na no-el o no election scenario ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso.
Sabi ni Senator Kiko Pangilinan, bulung-bulungan sa kongreso na kapag pumasa ang federalism, sampung taong walang gaganaping eleksyon sa lahat ng posisyon hanggang sa Presidente.
Habang ang mga posisyon ng mga lokal na opisyal ay itatalaga na lang ng Pangulo.
Pero kaagad naman itong itinanggi ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Ayon naman kay House Speaker Pantaleon Alvarez, tatlong taon lang ang transition period at hindi sampung taon.
Ang prayoridad aniya ng kongreso sa pagbabalik sesyon nito ay ang pagconvene sa isang constituent assembly o can-ass para baguhin ang saligang batas para sa isang federal form of government.
Giit naman ni Albay Rep. Edcel Lagman, hindi isang con-ass ang dapat na mag-balangkas ng bagong Saligang Batas dahil magiging virtual rubber stamp lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang con-ass na pangangasiwaan ng mga mambabatas ng super majority.