‘No face mask, no entry’ muling ipinatupad sa Iloilo City dahil sa tumataas na COVID-19 cases

Muling ipinatupad ni Mayor Jerry P. Treñas ang “no facemask, no entry” sa Iloilo City Hall kasunod ng tumataas na mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.

Gayunman, karamihan dito ay mga mild cases lamang kung kaya’t nasa normal pa ang hospital utilization rates sa Iloilo City.

Ayon sa alkalde, ang pagsuot ng face mask ay isang hakbang upang hindi tataas ang impeksyon sa mga saradong lugar habang nagpapatuloy ang mga serbisyo sa Iloilo city hall.


Maalalang nagpositibo sa COVID-19 si Mayor Jerry Trenas at asawang si Rosalie at nitong Martes lamang nakabalik ang alkalde sa kanyang opisina.

Batay sa tala ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Department of Health Region 6, mula sa isang kaso kada araw noong Pebrero at Marso ngayong taon, ang average na daily COVID-19 cases sa lungsod ay tumaas sa apat kada araw ngayong Abril.

Naitala sa lungsod ang 34 na kaso noong Enero, 23 kaso noong Pebrero, 44 na kaso noong Marso, at 26 mula Abril 1 hanggang 10, sabi ng RESU ng DOH 6.

Sa ngayong, may 28 na active COVID-19 cases sa Iloilo City.

Facebook Comments