Iginiit ni Transportation Secretary Arthur Tugade na mahigpit na ipatutupad ang “no face mask, no face shield” policy sa lahat ng pampublikong transportasyon ngayong General Community Quarantine (GCQ).
Ibig sabihin nito ayon kay Tugade, na hindi papayagang sumakay sa mga tren, buses, traditional at modern jeepney, taxi, Transport Network Vehicle Service (TNVS), UV Express at iba pang pampublikong transportasyon ang isang commuters na walang suot na face mask at face shield.
Aniya, layunin nito na mapigilan ang pagkalat pa ng virus at maiwasan ang transmission nito sa mga pampublikong transportasyon lalo na ngayon na nasa GCQ na ang Metro Manila at ibang lugar sa bansa.
Matatandaan, noong pang Agusto 15 ngayong taon naging epektibo ang memorandum ng Department of Transportation ukol dito.
Tiniyak naman ni Tugade na mahigpit din ipatutupad ang mga kasalukuyan at umiiral na mga health protocol sa sector ng transportation sa bansa.