Hindi irerekomenda ng OCTA Research Group ang pag-aalis ng mandatory “face mask policy” sa huling bahagi ng 2022.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Butch Ong, kahit bumababa na ang kaso ng COVID-19 ay posible pa ring mag-mutate ang virus, magkaroon ng mga bagong variant at magkaroon panibagong hawaan lalo ngayon na maluwag nang nakakabiyahe ang mga tao sa loob at labas ng bansa.
Aniya, magiging bahagi na ng culture prevention sa ilalim ng “new normal” ang pagsusuot ng face mask.
Ibig sabihin, dapat nang makaugalian ng mga tao ang pagsusuot ng face mask sa tuwing lalabas ng bahay at dadalo sa mga mass gathering.
Giit pa ni Ong, maaari lamang alisin ang polisiya kung nakabase ito sa datos at ebidensya.
“We’re not going back to the old ways that we live in, yung dati. When we say new normal, we should adapt dun sa mga banta ng bagong variant, bagong virus, bagong bacteria, and we have to transition slowly and we have to transition based on science, based on evidence,” paliwanag ni Ong sa panayam ng RMN Manila.
“So, sa ngayon, I will not endorse na maskless tayo sa fourth quarter this year. Maaaring matanggap yan but we have to based it on evidence,” dagdag niya.
Matatandaang sinabi kamakailan ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na malamang alisin na ang mandatory na paggamit ng face mask sa fourth quarter ng taon basta’t ligtas na itong gawin.