“No Fail Policy” makapipinsala sa distance learning

Imbes na makatulong sa mga mag-aaral, maaaring maging hadlang pa ang “No Fail Policy” sa epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral sa pagpapatupad ng distance learning.

Pahayag ito ni Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa harap ng mga panawagang ipasa ang lahat ng mga mag-aaral sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Gatchalian, may mga bata talagang mahina halimbawa, sa Math, Reading o sa Science kaya kung ipapasa lahat ay paano pa malalaman kung sinong mag-aaral ang dapat tulungan para matuto.


Ipinunto pa ni Gatchalian, na ang layunin sa pagpapatupad ng distance learning sa kabila ng mga hamong dinulot ng pandemya ay upang tiyakin ang kahandaan ng mga mag-aaral para sa susunod na antas ng kanilang pag-aaral.

Diin ni Gatchalian, kung ipapasa lahat ng mag-aaral ay tiyak na mayroon sa mga ito ang hindi natuto nang husto at mahihirapan sa mga susunod na baitang.

Facebook Comments