“No Health Declaration, No Entry”, Mahigpit na Ipinatutupad sa Benito Soliven, Isabela

Cauayan City, Isabela- Sa kabila ng lumalalang kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ng Isabela, naghigpit na rin ang PNP Benito Soliven sa pagpapatupad sa mga protocols habang sumasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang probinsya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Krismar Angelo Casilana, hepe ng PNP Benito Soliven, nakipagpulong aniya ito sa Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) kaugnay sa implimentasyon sa guidelines ng GCQ.

Kabilang sa mahigpit na ipinatutupad sa bayan ng Benito Soliven ang “No Health Declaration, No Entry” para sa lahat ng mga papasok sa nasabing bayan.


Nilinaw ng hepe na ang mga dadaan lamang ng Benito Soliven ay hindi na hahanapan ng Health Declaration subalit kung kaya naman aniyang makapagbigay ay mas mainam pa.

Ayon pa sa hepe, nagpapatuloy ang kanilang pagbabantay sa quarantine checkpoint upang mabantayan ang paglabas at pasok ng mga mamamayan ng Benito Soliven.

Ang ginawang paghihigpit ng local na pamahalaan ay hakbang na rin upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa nasabing bayan.

Nagpaalala naman ang Hepe sa mga kababayan na tumalima sa mga ipinatutupad minimum health protocols upang maiwasang mahawa o makapang hawa sa iba.

Facebook Comments