Ipinatupad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang “no leave policy” sa mga tauhan nito ngayong araw hanggang November 8, 2023.
Ito’y para masigurong may sapat na pwersa ang PPA para magbantay sa mga pantalan ngayong darating na Barangay at SK Elections (BSKE) at sa Undas 2023.
Nabatid na inaasahan aabot sa higit 1.4 milyon ang bilang ng pasahero ang dadagsa sa iba’t ibang pantalan sa bansa para umuwi ng kani-kanilang probinsiya.
Sa pagtataya ng PPA, posibleng lumobo ng 6% ang bilang ng mga pasahero ngayong long weekend mula sa panahon ng Undas kumpara noong nakaraang taon, bunsod ng mas maluwag na travel requirements.
Itinaas naman na sa security alert ang mga pantalan at 25 Port Management Offices, gayundin ang mga port police at security forces sa mga pantalan.
Kabilang sa seguridad ng PPA ay ang pagkakaroon ng 24/7 CCTV monitoring at deployment ng K9 units sa mga pantalan bukod pa sa mga x-ray machines at body scanners na kailangang daanan ng mga pasahero.
Payo nanan ng PPA sa publiko, planuhing mabuti ang pagbiyahe at ugaliing i-check ang mga shipping lines para sa update ng mga biyahe.