Ipatutupad na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang “no leave policy” sa kanilang tanggapan simula sa ika-15 ng Disyembre 2022 hanggang ika-07 ng Enero 2023.
Kaugnay nito, sisiguraduhin ng PCG na magiging ligtas, maayos, at komportable ang biyahe ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya para ipagdiwang ang kapaskuhan.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu, naka-heightened alert ang lahat ng coast guard district, station, at sub-station sa buong bansa sa nabanggit na petsa.
Ibig sabihin, naka-deploy na ang nasa 25,000 PCG personnel sa mga matataong pantalan, passenger terminal, at iba pang transportation hub para makapaghatid ng serbisyo publiko.
Hiling ni Admiral Abu sa lahat ng personnel ng PCG ang sakripisyo bilang sinumpaang tungkulin para sa bayan.
Aniya, nararapat lamang na unahin ng PCG ang pangangailangan ng publiko kaysa sa sariling interes.
Nabatid na inaasahan ng PCG na dadagsa ang mga pasahero para magbakasyon kasama ang kanilang pamilya, kaya kinakailangan na mas paigtingin ang seguridad at kaligtasan.
Alinsunod naman sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, magkakaroon ng deployment ng mga PCG security personnel, K9 teams, medical officers, at PCG Auxiliary volunteers sa mga paliparan, istasyon ng tren, at kalsada para mapangalagaan ang kapakanan ng mga pasahero ng pampublikong transportasyon.