“No Parking Zone” sa ilang kalsada sa San Juan, umarangkada na

Tumalima na rin ang San Juan City sa utos ng Pangulo kaugnay ng  pagpapatupad ng “no parking zone” sa ilang kalsada sa barangay.

Simula kasi ngayong araw, ay simula na ang pagpapatupad ng “no parking zone” sa ilang kalsada sa Barangay Greenhills.

Pinaluwag ang Mabuhay Lanes sa lungsod ng San Juan.


Sa bisa ng Executive Order No. 4 na nilagdaan noong nakaraang linggo ni San Juan Mayor Franciso Zamora, bawal nang mag-park ang mga sasakyan sa Club Filipino Avenue at Conneticut Street na sakop ng Mabuhay Lane mula alas 6 ng umaga hanggang alas 9 ng gabi.

Bawal na rin mag-park sa ilang bahagi ng Annapolis at Missouri Street.

Ani Zamora, idineklara ang “no parking zone” sa ilang kalsada para mabawasan ang trapiko sa lungsod.

Ginawa kasi ang Mabuhay Lane para magsilbing secondary road para mabawasan ang trapik sa EDSA pero tila ginagawa itong parking lot ng mga pasaway na driver.

Ipinatawag na ni Zamora ang mga kinatawan ng Xavier School at Immaculate Conception Academy, na nagpapasikip din ng trapiko sa Greenhills dahil sa mga sasakyan na nagsusundo at naghahatid ng mga estudyante.

Inatasan nya na rin ang San Juan Police at San Juan Traffic Management and Parking Office na magtulong sa pagmamando ng trapiko lalo na sa mga lugar papasok ng paaralan.

Ang sino mang lalabag na motorista sa nasabing kautusan ay titiketan.

Dumating si Zamora para tignan at kumustahin ang implementasyon ng no parking zone.

Facebook Comments