Pinapatiyak ni Quezon City Representative Marvin Rillo sa Commission on Higher Education (CHEd) at sa Department of Education (DepEd) ang mahigpit na implementasyon ng “No Permit, No Exam Prohibition Law” na epektibo na noong March 31.
Sinabi ito ni Rillo sa harap ng nakatakdang final and quarterly exams ngayong buwan ng mga estudyante sa kolehiyo gayundin sa elementary and high school.
Bilang Chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, ay pinaalala ni Rillo na kasama sa tungkulin ng CHEd at DepEd na siguraduhing accessible sa lahat ang edukasyon.
Sa ilalim ng batas ay hindi dapat pagbawalan na kumuha ng eksaminasyon ang mga estudyante na hindi pa nakakabayad ng matrikula at iba pang bayarin.
Ayon kay Rillo, dapat matupad ang parusang isinasaad ng batas laban sa mga lalabag na paaralan at iba pang educational institutions.