“No permit, no rally policy”, muling ipatutupad sa unang SONA ni Pangulong Marcos Jr.

Muling magpapatupad ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng “no permit, no rally policy” sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Hulyo 25.

Ayon kay NCRPO Chief Police Major General Felipe Natividad, inaasahan na kasi nila ang pagdagsa ng mga raliyesta sa unang SONA ng pangulo.

Dahil na rin aniya ito sa mga isyu na kinakaharap ngayon ng administrasyong Marcos, kaya posibleng samantalahin ito ng iba’t ibang grupo upang magsagawa ng kilos-protesta.


Dagdag ni Natividad, papayagan lamang umano ang mga rally sa mga freedom park kung saan maaari itong magtipon-tipon kahit walang permit.

Sinabi pa ni Natividad na parehong security template na ginamit nila noong inagurasyon ni Marcos Jr. ang gagamitin nila sa unang SONA nito.

Samantala, una nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na magpapakalat ng mahigit 15,000 tauhan ang PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa seguridad ng naturang aktibidad.

Habang, magpapatupad din ng gun ban sa buong Metro Manila na epektibo mula Hunyo 22 hanggang 27, 2022.

Facebook Comments