Naghahanda na ang Land Transportation Office Region 1 sa striktong pagpapatupad ng ‘No Plate, No Travel Policy’ sa mga motorista simula Setyembre ngayong taon.
Ayon sa tanggapan, dadaan sa apat na phase ang pagtugon sa distribusyon ng plaka sa lahat ng bayan na sinimulan sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, kapulisan at iba pang sangay ng gobyerno.
Nakatakdang pangunahan ng tanggapan ngayong Hunyo ang distribusyon ng plaka sa rehiyon na susundan ng Information Education Campaign sa Hulyo at preventive enforcement sa Agosto kung saan ipapakalat sa rehiyon ang mga law enforcers upang paalalahanan ang mga motorista sa mga paglabag na may kinalaman sa plaka.
Kaugnay nito, magsasagawa ng malawakang distribution activity ang tanggapan sa mga district offices ng Rosales at Balungao sa Hunyo 6 upang makuha at isangguni ng mga motorista na wala pang plaka simula 2014 ang problema sa kanilang mga plaka.
Pinapayuhan naman ng tanggapan na dalhin ng mga motorista ang kaukulang Official Receipt at Certificate of Registration para sa mabilis na proseso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









