
Maagang nag-abiso ang lokal na pamahalaan ng Naguilian, La Union sa mga residente bilang pinaigiting na paghahanda sa posibleng maging epekto ng Super Typhoon Nando.
Sa bisa ng kautusan, kasado na ngayong araw ang istriktong pagbabawal sa pagpalaot, pangingisda, at pagligo sa mga baybayin dahil sa posibleng bugso ng hangin.
Tiniyak din ang ‘full readiness’ ng mga evacuation center na may suplay ng hygiene kit, gamot, at relief goods, gayundin ang pagpapatupad ng preemptive evacuation sa mga bahain at kadalasang may landslide na lugar.
Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Inatasan ng tanggapan ang mga barangay council sa istriktong pagtalima ng kanilang mga nasasakupan sa naturang kautusan at koordinasyon sa iba pang ahensya para sa maayos na emergency response.








