“No vaccine card, No entry” sa mga sementeryo na ipatutupad ng ilang LGU, dapat gawin ng lahat ng LGU ayon sa isang health expert

Mas mainam kung ipatutupad ng lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa ang “No vaccine card, No entry” sa mga sementeryo.

Ito ang sinabi ni Dr. Ted Herbosa, Professor at Chairman ng Emergency Medicine sa University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) sa Laging Handa public briefing kaugnay sa nalalapit na paggunita ng Undas.

Ayon kay Dr. Herbosa, ito ay magandang polisiya para hindi na tumaas pa ang COVID-19 cases sa bansa kahit pa maraming pagtitipon.


Inaasahan kasi nila na tataas ang COVID cases sa mga susunod na buwan dahil maraming pagtitipon na gagawin ang mga Pilipino gaya ng Undas at Pasko.

Samantala, katulad ng ibang subvariant ng omicron hindi naman daw nakamamatay ang bagong omicron variant na XBB at XBC na ngayon ay maraming kaso sa Singapore.

Sinabi ni Dr. Herbosa, tanging mararanasan ng mahahawaan ng XBB at BXC omicron variant ay sipon, sore throat, ubo at lagnat.

Mainam aniya kung may bakuna o booster shot dahil ang iba na hindi nakakaranas ng sintomas ay hindi rin naoospital.

Kaya panawagan ng health expert magbakuna at magpa-booster shot.

Facebook Comments