Mariing kinokondina ng labor group Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang polisiya ng ilang employers na ‘no vaccine, no wage.’
Batay sa reklamo ng mga manggagawa na nakarating sa ALU-TUCP, pinagsabihan umano sila ng kanilang supervisor at ng human resource director na hindi muna ibibigay sa kanila ang kanilang sahod hanggang hindi sila nagsusumite ng vaccination card na nagpapatunay na nagpabakuna na sila ng COVID-19 vaccines.
Ang makatatanggap ng sahod at mga benepisyo ay iyon lamang mga nagpakita at nagsumite ng mga vaccination card nila na nagpapatunay na bakunado na sila ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, ang pag-withhold ng mga sahod ng manggagawa habang hindi sila nagpapakita ng vaccine cards ay isang krimen gaya ng wage theft o pagnanakaw ng sahod.
Idinagdag ni Tanjusay na ang ganitong pang-aabuso ay isa ring uri ng discrimination at isang uri ng direktang paglabag ng batas at pagyurak sa karapatan ng tao.
Wala aniyang batas o regulasyon na nagpapahintulot na i-withhold ang sahod at mga benepisyo ng mga manggagawa nila.
Ito ay isang krimen gaya ng wage theft, isang discrimination at pang-aabuso sa mga manggagawa.
Sinabi ni Tanjusay na dapat na magsagawa ng mga labor inspections sa mga natukoy na kompanya at patawan ng parusa ang umabuso.
Natatakot kasi na lumantad at maghain ng reklamo ang mga manggagawa sa pangambang tanggalin sa trabaho o kaya naman ay pag-iinitan ng kanilang employer.