Tinawag na “dumb idea” ni House Assistant Majority Leader Niña Taduran ang balak na ipatupad ng ilang mga kumpanya na “No Vaccine, No Work” policy kasunod ng pagsisimula ng COVID-19 vaccination program sa bansa.
Giit ng kongresista, hindi dapat ipinipilit sa mga mangagagawa at empleyado ang pagpapabakuna para lamang manatili o hindi matanggal sa trabaho.
Aniya pa, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabing hindi pwedeng pwersahin ang sinuman at karapatan ng bawat Pilipino ang tumanggi kung ayaw magpabakuna.
Wala rin aniyang kautusan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na piliting magpabakuna ang mga manggagawa.
Bukod sa nasabing katwiran ay malabo rin naman na mabakunahan ang lahat ng mga nagtatrabaho lalo’t kulang naman ang bansa sa suplay ng COVID-19 vaccine.
Bagama’t dapat na himukin ang lahat na huwag matakot sa COVID-19 vaccine, naniniwala pa rin si Taduran na dapat boluntaryo ang pagpapabakuna at walang pilitan.