Nirerepaso na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang “No vaccination, no work” policy.
Ang hakbang ay kasunod na rin ng pagtutol at panawagang ipatigil ang kautusan mula sa grupo ng mga manggagawa at ilang mambabatas.
Sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment, sinabi ni Department of Health o DOH-IATF Secretariat Usec. Charade Mercado-Grande sa mga kongresista na kasalukuyang pinag-aaralan na ang polisiya.
Magkagayunman, aminado si Grande na patuloy pa rin ang implementasyon ng polisiya sa kabila ng review rito ng IATF.
Umalma naman dito si TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza, Vice Chairman ng komite, dapat ay ipahinto muna ang polisiya habang inaaral pa ng IATF.
Mababatid na nagpadala naman ng liham si Committee Chairman at 1-PACMAN Party-list Rep. Eric Pineda sa IATF na humihiling na ipahinto muna ang pagpapatupad ng no vaxx, no work policy na anila’y discriminatory sa mga empleyado.
Muli namang magkakasa ng pulong ang komite matapos na hindi nanaman dumalo ang ni isang opisyal mula sa IATF.