Otomatikong wala nang bisa ang “No vax, No ride Policy” na ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr) kapag naibaba na sa Alert Level 2 ang Metro Manila.
Paliwanag ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles, batay kasi sa mga ordinansang ipinasa ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR), tanging sa Alert Level 3 pataas lamang iiral ang “No vax, No ride Policy”.
Dahil dito, mawawalan na ng bisa ang nasabing patakaran sakaling maging Alert Level 2 na ang kalakhang Maynila sa susunod na buwan.
Kasabay nito ay dinipensahan ng Palasyo ang DOTr sa pagpapatupad ng “No vax, No ride Policy”.
Ayon kay Nograles, ang patakarang ito ay salig sa ipinasang mga ordinansa ng mga Local Government Unit (LGU) sa NCR.
Pangunahing layunin nito ay maprotektahan ang mga taong hindi pa bakunado.