Pinalagan ng isang commuters’ group ang plano ng Department of Transportation (DOTr) na pagbawalang sumakay sa mga pampublikong sasakyan ang mga manggagawang hindi pa bakunado o partially vaccinated kontra COVID-19 simula sa Pebrero 26.
Giit ni Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP) Founder Atty. Ariel Inton, dahil sa “No vax, No ride” Policy, maraming manggagawa ang hindi makapagtrabaho.
Aniya, sa halip na pilitin ang iba na ayaw talaga magpabakuna, mainam kung daragdagan na lamang ng DOTr ang mga public transport para masigurong masusunod ang health protocols.
“Nung in-implement yang `no vax, no ride’ maraming hindi nakapagtrabaho kasi ang nangyari, ‘no vax, no ride, no work, no pay!” saad ni Inton sa panayam ng RMN Manila.
“Kung sinasabi nila na konti na lang yung hindi bakunado, e yun naman pala e! E bakit pa kailangan nating magkaroon ng mga ganitong polisiya kung yung konting yun, e merong mga valid reason kung bakit hindi sila makapagpabakuna.”
“Kami simple lang, kung gusto nating pangalagaan ang kalusugan ng mga pasahero, dagdagan niyo ang public transport para hindi magsiksikan, dagdagan niyo public transport para yung waiting time nila, makasakay, mabawasan. Yan, then strictly implement the health protocols,” giit pa niya.
Samantala, hinimok din ni Inton ang mga employer na maghanda sakaling seryosohin ng DOTr ang implementasyon ng bagong polisiya.
“Ako naman, panawagan namin dito sa mga employers, paghandaan niyo kasi baka seryosohin ng DOTr yan na hindi pasakayin yung mga hindi pa fully vaccinated ha, remember, kahit na hindi mo naman kasalanan na hindi pa na-i-schedule yung bakuna mo for the second dose,” ani Inton.
“Siguro, i-shuttle na nila itong mga employees nila kung pwede, ‘no? Talagang ganon, pag hindi nagtrabaho to, maaapektuhan ang negosyo, maaapektuhan ang ekonomiya,” mungkahi ni Inton.