‘No vax, no subsidy’ proposal, illegal at anti-poor

Mariing tinutulan ni Senator Manny Pacquiao ang isinusulong ng Department of the Interior and Local Government o DILG na huwag bigyan ng subsidiya ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na hindi pa nakakapagpabakuna laban sa COVID-19.

Giit ni Pacquiao, ang nabanggit na plano ay ilegal, mapang-api, malupit at anti-poor o laban sa mga mahihirap.

Sabi ni Pacquiao, kung kinonsulta ng DILG ang mga abogado ay batid sana nito na ang pagdagdag ng kondisyon sa 4Ps program ay ilegal, labag sa konstitusyon at tanging kongreso lang ang pwedeng gumawa.


Diin pa ni Pacquiao, ang nabanggit na plano ay magbibigay ng dobleng parusa sa mga mahihirap.

Unang tinukoy ni Pacquiao ay ang pagkakait sa mga maralita na maturukan ng COVID-19 vaccine bunga ng iba’t ibang kadahilanan at ang lalo pang pagpapahirap sa kanila.

Giit ni Pacquiao, higit ngayong kailangan ng mga mahihirap na pamilya ang buwanang tulong-pinansyal sa ilalim ng 4Ps para mairaos ang pang araw-araw nilang buhay.

Mungkahi ni Pacquiao, sa halip na ipagkait ang ayudang nakalaan sa mga mahihirap ay mas mabuting ipaliwanag na mabuti ng pamahalaan ang mabuting dulot ng pagpapabakuna.

Facebook Comments