Sa harap ng implementasyon ng General Community Quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR) at iba pang karatig na lalawigan, nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhan na nakapangasawa ng mga Filipino.
Binigyang diin ng Immigration na kahit na ang mga dayuhan na nakapangasawa ng mga Filipino ay hindi pa rin papayagang makapasok sa bansa kung wala rin namang kaukulang visa mula sa BI.
Ginawa ng Immigraiton ang naturang paalala kasunod ng pagtatangka ng ilang mga foreigner na pumasok sa bansa at nagpapanggap na nakapag-asawa sila ng Pilipino.
Una nang hinarang sa NAIA ang ilang dayuhan na nakapag-asawa ng Pinoy dahil sa kawalang ng visa kaya agad silang pina-deport.
Kabilang sa mga hinarang ay ilang Americans, Europeans, South Koreans, at Africans na nagpakita lamang ng kanilang marriage certificates subalit wala namang naipresentang visas.
Nagpaalala rin ang Immigration sa mga Airline company na sumunod sa resolution ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil responsiblidad ng mga ito na abisuhan ang mga dayuhan nilang pasahero kung ano ang mga requirements bago makapag-book ng flight papasok ng Pilipinas.