‘No wang-wang policy’, at no special plates, nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng mga motorista sa gitna ng problema sa trapiko

Para kay Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, makatwiran ang pagbabawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa paggamit ng wang-wang ng mga hindi awtorisadong motorista.

Buo rin ang suporta ni Rodriguez sa pagbabawal ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga kongresista na gumamit ng No. 8 na plaka ng sasakyan.

Ayon kay Rodriguez, ang naturang mga patakaran ay nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng mga motorista sa gitna ng matinding problema sa trapiko lalo na sa Kalakhang Maynila.


Para kay Rodriguez, ang paggamit ng serena at police escorts ay simbolo ng entitlement sa kapangyarihan at prebelihiyo o pag-aangat sa sarili at panlalamang sa kapwa.

Bunsod nito ay iginiit ni Rodriguez na hindi dapat pamarisan ang mga aroganteng opisyal ng gobyerno na nagyayabang ng kanilang posisyon, kapangyarihan at impluwensya.

Para kay Rodriguez, lima ang pinakamataas na opisyal lamang sa bansa ang dapat pahintulutan na gumamit ng protocol plates na kinabibilangan ng President, Vice President, Senate president, Speaker of the House of Representatives, at chief justice of the Supreme Court.

Facebook Comments