Tuesday, February 3, 2026

“No work, no pay” sa Kongreso, makatarungan at pabor sa taumbayan — Malacañang

Ikinokonsidera ng Malacañang na makatarungan at pabor sa taumbayan ang panukalang “No Work, No Pay” para sa mga mambabatas na isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ang panukala ay inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos Jr. sa ilalim ng House Bill No. 7432, na naglalayong tiyakin na ang pondo ng bayan ay mapupunta lamang sa mga halal na opisyal na aktuwal na tumutupad sa kanilang tungkulin.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, hindi dapat pinapasahod mula sa pondo ng bayan ang mga opisyal ng pamahalaan na hindi ginagampanan ang kanilang mandato.

Sinabi rin ni Castro na ikinagulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang kaniyang anak ang nagsusulong ng naturang panukala.

Gayunman, nilinaw ng Pangulo na hindi makikialam ang Malacañang dahil tungkulin ng mga mambabatas ang paggawa ng batas.

Dagdag pa ni Castro, igagalang ng pangulo ang proseso sa Kongreso at susuriin lamang ang panukalang batas kapag ito ay naipasa na at pormal nang isumite sa kaniyang tanggapan.

Facebook Comments