Nomination sa ranggong heneral ni AFP Chief Gapay at promotion ng iba pang military officials, lusot sa CA

Lusot na sa Commission on Appointments (CA) ang nominasyon sa ranggong 4-star General ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay gayundin ang promosyon ng 29 pang opisyal ng militar.

Sa kanyang pagharap sa makapangyarihang CA ay agad kinompronta nina Sen. Ping Lacson at Sen. Franklin Drilon si Gapay kaugnay sa pagsusulong nito na iregulate ang social media sa ilalim ng Anti-Terrorism Law.

Nilinaw naman ni Gapay na ang tinutukoy niya ay social media platforms at service providers, at hindi ang mismong users.


Paliwanag pa ni Gapay, nagagamit kasi ng mga terorista ang internet para makapag-recruit at maghasik ng karahasan.

Sa isyu naman ng revolutionary government ay nanindigan si Gapay na hindi ito susuportahan ng Sandatahang Lakas dahil labag sa konstitusyon, politically motivated at posibleng magdulot ng problema sa bansa.

Sa isyu naman ng West Philippine Sea (WPS) ay sinabi ni Gapay na kaisa sila sa pagsusulong ng code of conduct dito hindi lang para sa claimants, kundi para sa lahat ng bansang involved.

Ayon kay Gapay, patuloy ang pagpapatrolya ng Pilipinas sa WPS bilang pagpapakita ng soberenya sa ating teritoryo.

Naitanong din kay Gapay ang estado ng Visiting Forces Agreement (VFA) na kasunduan sa pagitan ng America at Pilipinas.

Sabi ni Gapay, in effect pa rin ito dahil nasuspinde ang dapat ay termination nito.

Para kay Gapay, isa itong welcome development para makapagpatuloy sila ng training kasama ang US at nakakatulong din ang suporta nito sa modernisasyon ng AFP.

Facebook Comments