Nanindigan si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na hindi maaaring gamiting excuse o dahilan ang non-disclosure agreement para hindi isiwalat ang totoong presyo ng mga biniling COVID-19 vaccine ng pamahalaan.
Paliwanag dito ng kongresista, hindi naman kasama sa national security o trade secret ang usapin ng bakuna at sa halip ito ay isang public health concern.
Bukod dito, pera mula sa buwis ng taumbayan ang ginamit na pambili ng mga bakuna.
Iginiit ng kongresista na kailangang kilalanin ang karapatan ng bawat Pilipino sa impormasyon na may kaugnayan sa public concern.
Inatasan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na ipaalam sa Senado ang nilalaman ng mga pinasok na kasunduan ng pamahalaan sa mga vaccine manufacturers para sa procurement ng bakuna para sa transparency.
Ayon kay Galvez, handa silang isapubliko ang mga impormasyong ito sa oras na magkapirmahan na ng kontrata sa bakuna.