Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Pol. Gen. Guillermo Eleazar sa PNP Internal Affairs Service (IAS) na madaliin ang dismissal proceedings laban sa naarestong Non-Uniformed Personnel (NUP) na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Ang NUP na si Masckur Adoh Patarasa na nakatalaga sa Banguingui Municipal Police Station sa Sulu ay nahuli nitong Biyernes sa bisa ng arrest warrants para sa pitong kaso ng kidnapping and serious illegal detention.
Si Patarasa ay kabilang sa mga ipinaaaresto sa ilalim ng Martial Law Arrest Order No. 1 sa kasagsagan ng Marawi siege.
Sinabi ni PNP chief na gumugulong na ang imbestigasyon para malaman kung may iba pang tauhan ng PNP ang may kaugnayan o miyembro din ng Abu Sayyaf.
Aniya, hindi malayo na may mga iba pang kasabwat ang suspek at ito ang tinututukan ngayon ng PNP.
Aalamin din kung paano nakapasok sa PNP si Patarasa gayong marami itong kinakaharap na kaso.