Aprubado na ng Cotabato Inter-Agency Task Force on COVID -19 ( CPIATF COVID-19) ang Executive Order No. 55 na nagsasailalim sa probinsya ng Cotabato sa Enhanced Community Quarantine o ECQ simula Abril 15, 2020 mula alas 12:01 ng madaling araw hanggang alas 12:00 ng umaga ng Abril, 30,2020.
Sa isinagawang special meeting kahapon ng CPIATF COVID-19 na pinamumunuan ni Governor Nancy A. Catamco napagkasunduan ng mga miyembro nito na mas paigtingin pa ang mga inilatag na hakbang para labanan ang Coronavirus Disease 2019(COVID-19) matapos na makapagtala na ng tatlong positibong kaso sa lalawigan.
Dalawang border checkpoint ang idaragdag sa dating siyam na kinabibilangan ng Patot checkpoint sa boundary ng Pigcawayan-Buldon at Lagumbingan checkpoint sa boundary ng Midsayap-Kabuntalan.
Ang bawat border checkpoint ay mayroong command leader upang masigurong maayos ang implementasyon ng COVID-19 health protocols.
Ipagbabawal na rin ang pagsasagawa ng spraying or misting bilang disinfection base sa circular na ipinalabas ng Department of Health.
Mas paiigtingin din ang paghuhugas ng kamay at footbath sa mga boundary checkpoints.
Binigyang diin pa ng EO 55 ang lockdown sa lahat ng mga gustong pumasok, residente man o hindi ng probinsya maliban na lamang sa mga essential frontline medical workers, militar at pulisya, mga nagta trabaho sa gobyerno at mga nagdedeliver ng mga pagkain, medical supplies at iba pang mga pangunahing pangangailangan.
Muling nanawagan ng kooperasyon at pagsunod sa mga alituntunin si Governor Nancy Catamco upang matapos na ang krisis na ito at muling manumbalik sa normal ang buhay nating lahat.
( PGO Media Bureau)
PIC:MAVERICK