North Korea, nagpadala ng emisaryo sa Pilipinas para sa ASEAN Regional Meeting sa susunod na buwan

Manila, Philippines – Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs ang pagdating sa bansa ng senior diplomat ng North Korea.

Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Robespierre Bolivar, layon nito na plantsahin ang seguridad sa pagdating sa bansa sa susunod na buwan ni NoKor Foreign Minister Ri Su-yong para dumalo sa ASEAN Regional Meeting.

Partikular na pinadala ng North Korea si Vice Foreign Minister Choe Hui Chol.


Tumanggi naman si Bolivar na ihayag ang napag-usapan nina Chol at ng Philippine counterpart nito na si Foreign Undersecretary for Policy Enrique Manalo.

Nilinaw naman ng DFA na hindi ito ang unang pagkakataon na nagpadala ang NoKor ng emisaryo sa Pilipinas.

Bago kasi ang ASEAN summit noong April, pinadala ng North Korea sa Pilipinas ang Bangkok-based non-resident envoy nito para makiusap sa Philippine officials na huwag silang puwersahin sa ASEAN meetings, kabilang na ang ASEAN Regional Forum kung saan dadalo sa susunod na buwan si US Secretary of State Rex Tillerson.

Facebook Comments