Binuksan na ngayong alas-4 ng hapon ang Northbound lane ng Skyway extension project.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, layunin ng 3.99 kilometer na Skyway extension project na mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko na nangyayari sa Alabang viaduct.
Bunsod nito, maaari nang dumaan ang mga motorista na mula sa South Luzon at Muntinlupa–Cavite Expressway (MCX) sa nasabing Skyway extension kung saan magmumula sila sa Susana Heights patungong Makati, Manila, Quezon City at North Luzon Expressway (NLEX).
Matatandaan na target sanang matapos ang proyekto noong December 2020 ngunit naantala ito bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ang Southbound lane naman ng Skyway extension ay lagpas 59% nang nagagawa kung saan ang 3.8 km na proyekto ay target na matapos ngayong darating na Hulyo.