
Naglabas ng magkahiwalay na manifesto ang Northern Luzon Alliance ng Kamara na nagpapahayag ng lubos at nagkakaisang suporta kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Ang alyansa ay binubuo ng halos 40 na kongresista mula sa hilagang bahagi ng bansa, kabilang na si House Majority Leader Sandro Marcos at iba’t ibang party-list congressmen.
Inilabas ang manifesto ng walang pag-aalinlangan na suporta kasunod ng akusasyon ni dating Congressman Elizaldy Co na iniutos umano ni Pangulong Marcos ang pagsisingit ng ₱100-bilyong halaga ng mga proyekto sa 2025 National Budget, kung saan ito umano ay kumubra ng bilyon-bilyong halaga ng kickback.
Gabay sa hakbang ng alyansang ito ang kanilang sinumpaang tungkulin na isulong ang pambansang interes at ipaglaban ang integridad ng mga demokratikong institusyon.
Bunsod nito, tiniyak ng alyansa ang patuloy na pagtataguyod sa layunin ni PBBM na gawing matatag, progresibo, at handa sa hinaharap ang Pilipinas.
Inihayag din ng alyansa ang kanilang suporta kay Speaker Dy kasunod ng mga kumalat na impormasyon na siya ay papalitan bilang lider ng Kamara.
Pinuri din ng grupo ang kakayahan at pagiging patas ng pamumuno ni Dy, na siyang nagdadala sa Kamara patungo sa pagbalangkas at pagpasa ng mga kinakailangang batas, pagpapatatag ng politika, at pagtulong sa pag-unlad ng bansa.









