NorthPort Passenger Terminal, ininspeksiyon ng mga opisyal ng DOTr at PPA ngayong Lunes Santo

Nagsagawa ng inspeksiyon sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago sa NorthPort Passenger Terminal ngayong Lunes Santo.

Ito ay upang siguruhin nakalatag ang lahat para sa Oplan Byaheng Ayos: Semana Santa at Summer Vacation ngayong tuloy-tuloy ang dagsa ng mga pasaherong biyaheng probinsya.

Kaugnay niyan, nagbabala ang DOTr na maaaring maharap sa suspensiyon o kanselasyon ng lisensiya ang mga shipping line operator na mahuhuling lalabag sa anti-overloading policy.

Ito ay kasunod ng insidente kung saan nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang barkong biyaheng Romblon na nagbebenta ng ticket na lagpas sa kapasidad.

Ayon kay DOTr Sec. Vince Dizon, mahigpit na utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguruhin ang kaligtasan at kaayusan ng biyahe ng mga pasahero ngayong Semana Santa.

Patuloy namang iniimbestigahan ang insidente ng overloading ng naturang barko na kalaunan ay nakapaglayag din.

Ayon sa kalihim, ang mga pasahero din ang kawawa sa pagbebenta ng sobrang ticket lalo’t posibleng maantala ang kanilang mga biyahe.

Facebook Comments