
Binatikos ni House Deputy Minority Leader at Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña ang “not guilty” plea ng contractor na si Sarah Discaya sa arraignment na isinagawa ng Regional Trial Court Branch 27 sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Kaugnay ito sa kinakaharap ni Discaya na kasong graft at malversation na may kinalaman sa P96.5 million na ghost flood control project sa Davao Occidental.
Punto ni Cendaña, bakit ginigiit ni Discaya na hindi siya guilty gayong kasing peke ng British accent nito ang flood control projects nila sa Davao Occidental.
Diin pa ni Cendaña, nang humarap sa pagdinig ng Senado ay umamin na si Discaya na may anomalya at nagturo na rin ng kanyang mga kasabwat.
Para kay Cendaña, malinaw na pinagloloko tayo ni Discaya dahil hindi man lang nasimulan ng kompanya nito ang mga proyekto.










