Monday, February 16, 2026

Not guilty plea sa kasong malversation ni Ex-Sen. Bong Revilla, ipinasok ng Sandiganbayan

Awtomatikong nagpasok ng not guilty plea ang Sandiganbayan Third Division para kay dating senador na si Ramon Bong Revilla Jr. matapos itong tumangging magbigay ng plea.

Kaugnay ito sa kasong malversation na may kinalaman sa umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Samantala, naghain din ng not guilty plea ang kapwa akusado na si Juanito Mendoza, accountant ng DPWH Bulacan First District Office.

Matatandaang noong February 9 ay naghain ang kampo ni Revilla ng urgent motion for inhibition laban kay Justice Karl Miranda dahil kapatid umano ito ni Buenaventura Miranda, na abogado naman ni dating DPWH Secretary Roberto Bernardo sa imbestigasyon sa flood control projects sa Senado.

Tumanggi rin si Revilla na magbigay ng plea sa hiwalay na kasong graft na dinidinig ng Sandiganbayan Fourth Division kaugnay pa rin ng nasabing proyekto.

Itinakda ang preliminary marking of evidence mula February 23 hanggang 27, habang ang pre-trial ay gaganapin sa March 6.

Bago simulan ang pre-trial, inatasan ng korte ang mga partido na magsumite ng joint stipulation.

Samantala, nag-waive si Revilla ng kanyang pagdalo sa preliminary conference ngunit nakatakda itong humarap sa pre-trial.

Facebook Comments