Notorious criminal gang leader sa Malabon, arestado ng CIDG

Nasakote na ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kilabot na criminal gang leader na tinaguriang Top 1 Most Wanted Person ng Region 12.

Ayon kay Criminal Investigation & Detection Group (CIDG) Director Police Maj. Gen. Romeo Caramat Jr., naaresto ang suspek na si Ernesto Dumon Salas na kilala sa mga alyas na Estong/Erning/Jem, 48 taong gulang sa ikinasang manhunt operation nitong nakalipas na Lunes.

Ani Caramat, si Salas ay nagtago sa batas sa loob ng ilang taon dahil wanted ito sa mga kasong murder, double murder at attempted murder.


Sinabi pa nito, nang arestuhin sa kaniyang pinagtataguan sa Malabon ay tinangka pa muling tumakas ng suspek pero siya ay tuluyan nang bumagsak sa kamay ng mga awtoridad.

Nabatid na ang suspek ay pinuno ng “Salas Criminal Group” na sangkot sa illegal drug trade at gun for hire sa Ozamis City, General Santos City at National Capital Region (NCR).

Miyembro rin ito ng “Faisal Criminal Group” na nag-operate sa General Santos City ilang taon na ang nakararaan.

Facebook Comments