November 7 kada taon, idineklarang special national working holiday para sa mga Pilipinong Muslim

Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Nobyembre 7 kada taon bilang special national working holiday, bilang pagkilala sa mahalagang ambag ng mga kapatid na Muslim sa paghubog ng kultura at sibilisasyon ng bansa.

Ang Republic Act No. 12228 ay nilagdaan ng pangulo nitong July 9, 2025.

Sa bisa ng batas, kilalanin ang “Sheikh Karim’ul Makhdum Day” bilang pag-alala sa pagkakatatag ng kauna-unahang moske sa bansa at ang pagdating ng Islam sa Pilipinas.

Ayon sa kasaysayan, ang unang moske sa Pilipinas ay itinayo sa Tawi-Tawi makaraang dumating sa bansa si Shariff Karim’ul Makhdum, isang misyonerong Arabo na may malaking papel sa pagpapalaganap ng Islam sa rehiyon.

Layon din ng batas na magbigay ng karampatang pagkilala sa hindi matatawarang ambag ng mga Muslim Filipinos sa pag-unlad ng kulturang Pilipino at ng kabuuang sibilisasyon ng bansa.

Facebook Comments