Nagawang pigilan ng mga tropa ng 1st Infantry Battalion at 22nd Division Reconnaissance Company ng Philippine Army ang tangkang terrorist attack ng NPA sa nagpapatuloy na Kaliwa Dam Project sa General Nakar, Quezon.
Ito ay makaraang maglunsad ng combat operations ang tropa ng militar sa Sitio Lagmak, Barangay Pagsangahan nitong Martes matapos makatanggap ng tip mula sa concerned citizens tungkol sa planong pag-atake ng mga NPA.
Ayon kay 2nd Infantry Division Acting Commander Brig. Gen. Rommel Tello naka-engkwentro ng tropa ang tinatayang 25 NPA na pinaniniwalaang kabilang sa Kilusang Larangang Guerilla Narciso at execom ng Southern Tagalog Regional Party Committee, Sub-Regional Military Area 4A na pinamumunuan ng isang Janice Javier aka Yayo.
Sa naganap na 25 minutong palitan ng putok, 3 sa mga kalaban na-nutralisa, habang walang iniulat na casualty sa panig ng militar.
Matapos ang engkwentro, narekober ng mga tropa sa encounter site ang dalawang M16 rifles, isang R4 rifle at isang M203 grenade launcher.
Sinabi pa ni BGen. Tello, hindi nila ikinatutuwa ang pagkawala ng buhay ng mga terorista pero ito ay para sa kapayapaan at kaunlaran ng bansa.